Ang Konspitaroryal Na Sistema Ng Pamumuno: Ugat ng Pagkasira ng Dinamismo ng Organisasyon!

Ang ganitong Konspiratoryal na sistema ng pamumuno ay makikita sa panahon ng election ng mga open legal na organisasyon ng kilusang masa. Dinidiktahan ang mga botante kung sino ang iboboto at kahit tapos na ang election, yong mga lehitimong namumuno ay hindi tunay na namumuno. Hindi lamang ito nangyayari sa mga open legal na organisasyon ng kilusang masa kundi nangyayari din ito sa mga conferences at congress ng rebolusyonaryong kilusan o partido.

Ano ang masamang epekto ng ganitong konspiratoryal na sistemang nagtatayo tayo ng sikretong paralel na liderato sa hayag na pamunuan ng mga organisasyong masa na mula’t sapol ay siya nating praktika sa gawaing masa at siyang oryentasyon ng pagbubuo ng sangay at grupo ng Partido?

Unang-una na, sinisira nito ang dinamismo ng organisasyong masa at kumpyansa sa sarili ng lehitimong liderato nila. Kapag nasira ang dinamismo’t kumpyansa sa sarili ng isang organisasyon at ng kanyang pamunuan, mawawalan ito ng inisyatiba’t diskarte, tutubuan ng burokratismo at magiging mekanikal sa labanan. Sa bandang huli, ang organisasyon mismo ang masisira kung hindi ito makakaalpas sa ganitong sistema. Di ba’t ganito sa paglaon ang nangyayari sa mga organisasyong nilukuban ng ating sikretong konspiratoryal na pamumuno?

Isipin na lang natin kung sa ating organisasyon ito mangyari-ang sikretong magtayo ang isang konspiratoryal na grupo ng paralel na liderato sa lehitimong pamunuan ng Partido sa anumang antas. Ang tawag natin dito’y paksyunalismo at alam natin kung anong pinsala ang ibubunga nito.

Paramihin natin ang ganitong pangyayari sa lahat ng unyon, sa lahat ng organisasyon na tinayuan natin ng konspiratoryal na mga sangay at grupo ng Partido na umaaktong sikretong paralel na liderato sa lehitimong hayag na pamunuan ng masa , at maipali-liwanag natin sa ating sarili kung bakit kulang na kulang sa dinamismo, sa inisyatiba, sa ispontanismo ang kilusang masa, ang mga pakikibakang masa.

Kung kapos ng dinamismo, inisyatiba at ispontanismo ang mga pakikibakang masa, ang kabuuan ng kilusang masa, imposibleng sumiklab ang isang tunay na rebolusyon. Ang ganitong mga katangian ang kailangang taglayin ng kilusang masa para ito ang umako sa higanteng tungkuling pukawin, organisahin at pakilusin ang milyun-milyong masa. Isang higanteng tungkuling imposibleng balikatin ng isang sikretong organisasyon.

Ang pagsulong ng rebolusyon ay hindi isang sikretong bagay na bubulaga na lamang sa kaaway. Hindi ito sumusulong nang di nararamdaman ng buong lipunan. Ito’y isang hayag na bagay dahil ang saligang behikulo ng pagsulong nito ay ang kilusang masa, ang mga pakikibakang masa. Imposibleng sumulong ito nang hindi nakasakay sa rebolusyonaryong ispontanismo ng masa dahil ang rebolusyon ay hindi isang konspiratoryal na pangyayaring pinapakulo ng isang sikretong partido at sumusulong alinsunod sa isang preparadong plano.

Ikalawa, kung ang pakikibakang masa ang saligang paraan ng pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusan, hindi maaring lingid sa masa ang tunay na liderato nito-sa batayang antas man o sa pambansang saklaw. Hindi maaring ang lideratong ito ay walang lehitimong katangian sa pananaw ng masa. Imposibleng totohanang sumulong ito sa pamamagitan ng mga papet na lider o mga prenteng organisasyong lahat ay palihim na pinagagalaw ng isang sikretong organisasyong hindi kinikilala ng masa.

Alin lang sa dalawa: Umaktong mga tunay na lider ang mga kinikilalang lider ng masa, ang lehitimong pamunuan ng kanilang mga organisasyon. O hayagang kilalanin ng masa ang liderato ng sikretong organisasyon ng Partido, manalig sila sa ating direktang pamumuno.

Huwag tayong magtaka, kung gayon, kung bakit ang ating mga pakikibakang masa ay kapos ng ispontayo’t dinamikong katangian dahil kapos ito ng mga lider na lubos na kinikilala at hindi lang simpleng kilala ng masa. Dahil ang mga lider mismong ito ay wala ring kumpyansa sa kanilang liderato dahil alam nilang wala naman talaga sa kanila ang awtoridad na pamunuan ang masa kundi nasa kamay ng tinatawag na “kilusang lihim”.

Tayo ang “kilusang masang” may kakayahang magmobilisa ng ilampung libo sa isang konsentradong mobilisasyon. Ngunit aminin natin ang totoo. Ang ating full mobilization ay hindi resulta ng pwersa ng panawagan ng isang hayag na sentrong organisasyon kundi resulta ng pwersa ng patakaran ng sikretong organisasyon.

Hindi pa tayo nakakarating sa antas na sa pwersa lang ng pananawagan ng ating mga lider at organisasyong masa ay kikilos na ang kanilang kasapian dahil mismo sila ay hindi kikilos nang walang hudyat at udyok mula sa “kilusang lihim”.

Tama ang magtayo ng sikretong organisasyon ng Partido. Pero hindi ito dapat mangahulugan, bilang kalakaran, ng sikretong pamumuno sa hayag na pakikibakang masa, sa ligal na mga organisasyong masa, laluna sa batayang antas. Ito ang saligang punto, ang unang punto sa ating reorganisasyon.

Bakit tama ang magtayo ng sikretong organisasyon ng Partido? Paano iwawasto ang kamalian ng konspiratoryal na pamumuno ng sikretong organisasyon ng Partido?

Dapat manatiling sikreto ang pagkakaorganisa ng Partido kahit, sa isang banda’y itinatakwil na natin ang istratehiya ng matagalang digma, at sa kabilang banda’y, binibitag tayo ng kaaway na lumantad at magligal.

Ang tinutukoy nating sikreto ay ang Partido bilang organisasyon, ang kanyang entidad bilang Partido. Ibig sabihin, maaring may tukoy ang kaaway na mga hayag na lider at myebro ng Partido. Katunayan, may mga pagkakataong kailangang may magpakilalang mga aktibong Komunista sa publiko. Ngunit ang katayuan ng Partido bilang organisasyon, ang panloob na operasyon, ang kalakhan ng kasapian, ang mga organo’t yunit nito ay dapat manatiling sikreto at ipailalim sa isang teknikal na sistema ng kilusang lihim.

Isang pangunahing konsiderasyon o batayan ng pananatiling sikreto ng Partido ay ang pagkilala sa pakana ng kaaway sa likod ng ligalisasyon. Ang ligalisasyong ito, saan man tingnan, ay patibong para durugin ang Partido. Ang estadong burges sa Pilipinas at ang mga galamay nito ay nananatiling pasista ang tunay na katangian. Nilalaro lang nila ang anino ng demokrasyang burges. Kung hindi man ganap na masugpo ang kilusang komunista sa bansa sa mapanupil nitong mga batas, lagi itong nakahandang pasikutan at balewalain ang sariling mga batas at bumaling sa iligal na paraan. Wala pang nakatayong masasandigang mga institusyon ng demokrasyang burges sa Pilipinas-at ang mga kondisyong panlipunan at pampulitika ay hindi pa umiiral para mangyari ito-upang masabing magkakaruon ng katuturan ang ligalisasyon ng tunay na rebolusyonaryong proletaryong partido sa bansa.

Karugtong ng konsiderasyong ito, at mas esensyal na konsiderasyon batay sa umiiral na sitwasyon, ay ang usapin ng porma ng pakikibaka. Mas libre ang kamay ng Partido na gamitin ang buong arsenal ng rebolusyonaryong taktika kung mananatili itong sikreto. Sa kalagayang hindi lang palsipikado kundi atrasado ang demokrasyang burges sa bansa at pasista ang katangian ng reaksyonaryong estado, ang ligal at parlamentaryong larangan ng pakikibaka ay nananatiling lubhang makipot para sa rebolusyonaryong pakikibaka.

Hindi epektibong maipaglalaban at maipagtatanggol ang kapakanan ng uring manggagawa at ng malawak na masa, at mapalalakas at maisusulong ang rebolusyonaryong kilusan kung hindi mahusay na mapagkokombina ang iba’t ibang porma ng pakikibaka. Ang armadong larangan ng pakikibaka ay dapat patuloy na panghawakan at dapat kilalanin na bahagi na ito ng kabuuang obhetibong kompleksyon ng rebolusyonaryong pakikibaka sa lungsod at kanayunan ng bansa.

Ang pakikibakang masa ang saligang porma ng pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusan ngunit dapat kombinasyunan ito ng parlamentaryo at armadong mga porma ng pakikibaka. Ang pangunahing layunin ng parlamentaryo at armadong pakikibaka ay isulong ang pakikibakang masa habang ang pagsusulong ng pakikibakang masa ay dapat sumaklaw sa mga larangang armado at parlamentaryo.

Magagawa at malulubos lamang ng Partido ang ganitong pleksibilidad sa taktika kung ito’y mananatiling sikretong organisasyong iligal. Sa ganitong batayan, nananatiling bentahe para sa rebolusyonaryong kilusan ang manatili ang Partido sa ganitong katayuan o porma ng pagkakaorganisa.

Kailangang maliwanag na maintindihan ang katumpakan at rasyunal na panatilihin ang sikretong iligal na organisasyon ng Partido, at dapat istriktong gamitin ito na batayan ng pagkakaisa. Ngunit kasabay nito, kailangang reorganisahin ang sikretong makinarya nito sa lungsod para iwasto ang maling sistema ng sikretong konspiratoryal na pamumuno ng mga organisasyon ng Partido laluna sa batayang antas. Ang saligang problemang ito ay hindi lamang usapin ng reoryentasyon kundi ng reorganisasyon ng mga istruktura ng Partido.

Ang Pampulitikang Pamumuno ng Partido

Bago tayo dumiretso sa diskusyon sa organisasyonal na mga hakbang para iwasto ang sistema ng konspiratoryal na pamumuno ng Partido, mahalagang ikawing natin ang problemang ito sa konsepto ng pampulitikang pamumuno. Magkadugtong ang mga usaping ito at mas maililinaw ang ating reorganisasyon kung iintindihin sa ganitong konteksto. Ang problema ng konspiratoryal na sistema ng pamumuno ay mahigpit na konektado sa problema ng banggardistang istilo na kapwa umusbong bunga ng bulgarisadong konsepto ng sikretong pag-oorganisa ng Partido at boluntaristang pagsusulong ng rebolusyon.

Kung wastong panatilihing sikreto ang organisasyon ng Partido, at kung ang pangunahing rasyunal ng pagbubuo ng Partido ay para sa pampulitikang pamumuno – paano mangyayaring mali ang konspiratoryal na paraan ng pamumuno, paano maiiwasang mamuno ang Partido sa paraang konspiratoryal kung ito’y nananatiling sikreto?

Ang kasagutan dito’y nasa tamang pag-intindi natin sa kahulugan ng pampulitikang pamumuno ng Partido, sa kahulugan ng talibang papel ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado, at sa papel ng mga yunit at myembro ng Partido sa tungkuling ito ng pamumuno.

Ano ba ang ibig sabihin ng pampulitikang pamumuno ng Partido at para bang napakahirap isiping magagawa ito ng isang sikretong organisasyon nang di sa paraang konspiratoryal? Ang ginagampanan bang pangunahing gawain sa pamumuno ng mga sangay at grupo ng Partido, o kahit ng mga komite at kawanihan ng Partido sa iba’t ibang antas ay pamumunong pampulitika?

Ang tamang kahulugan ng pampulitikang pamumuno ng proletaryong rebolusyonaryong partido ay ang sumusunod:

Una. Ang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa sa rebolusyonaryong pulitika ng Partido, ang pagpapatagos nito sa mga organisasyon, lider at pakikibaka ng masa. Ang pulitikang ito’y ang rebolusyonaryong pakikibaka para sa sosyalismo, ang rebolusyonaryong linya ng Partido sa pakikibaka para sa demokrasya, at ang makauring paninindigan ng Partido sa iba’t ibang usapin ng lipunan, ng proletaryado, at ng mamamayan.

Ikalawa. Ang pagbibigay ng rebolusyonaryong direksyon sa pagsulong ng mga pakikibakang masa, ang pagbabalangkas ng mga tamang taktika’t islogan para matiyak na sumusulong ito sa nasabing direksyon, at ang pagbaka sa mga maling tunguhing pampulitika at pang-ideolohiya na dumidiskaril sa direksyong ito.

Kung ito ang ibig sabihin ng pampulitikang pamumuno ng Partido, ito ba’y epektibong maisasakatuparan sa pamamagitan ng konspiratoryal na paraan ng pamumuno na gaya ng ginagawa ng mga sangay at grupo ng Partido at paano ito ginagawa sa sikretong paraan?

Sa konspiratoryal na paraan ng pamumuno, ang tinutukoy natin ay ang praktika ng pagbubuo ng sikretong paralel na liderato na gaya ng ginagawa ng mga sangay at grupo ng Partido sa mga ligal na organisasyong masa.

Iba ito sa tinutukoy ni Lenin na konspiratoryal na organisasyon ng Partido na ang tungkulin ay bigyan ng rebolusyonaryong direksyon at plano ang ispontanyong kilusang masa at obligadong gumalaw sa konspiratoryal na paraan dahil ito’y iligal at sikreto.

Ang esensyal na punto ng pagkakaiba ay hindi isang paralel na organisasyon o liderato ang konspiratoryal na organisasyong tinutukoy ni Lenin na sikretong humahalili sa lehitimong liderato ng mga organisasyon at pakikibakang masa kundi ito’y isang taliba at abanteng organisasyong di maikukumpara sa iba, at samakatwid, walang sikretong hinahalinhan sa ganitong kahulugan. Kung mayruon man itong inaagawan ng pampulitikang liderato-at hindi ito makakaaktong proletaryong taliba kung hindi mang-aagaw ng liderato-ito’y liderato ng mga katunggaling uri, ang pampulitikang impluwensya ng mga burgesyang liberal at mga demokratang petiburges sa hanay ng masang proletaryo.

Dagdag rito, ang konspiratoryal na organisasyon ni Lenin ay hindi umaagaw ng liderato sa konspiratoryal na paraan kundi sa paraan ng matinding tagisang pang-ideolohiya at hayagang pampulitikang pakikibaka. Nakapamuno ang Bolshevik sa rebolusyong Ruso dahil sa walang tigil nitong paglalantad sa kalikasan ng mga karibal na partidong burges at petiburges at walang pagod na rebolusyonaryong pagmumulat ng masang anakpawis.

Sa madaling salita, ang pagiging konspiratoryal ng organisasyong Bolshevik ay sa punto lamang ng pagiging sikreto nito at sa pagbabalangkas ng plano ng pagsulong ng rebolusyong Ruso. Konspiratoryal ang Partidong Bolshevik sa puntong ito’y isang sikretong organisasyong taliba pero hayag ang makauring pamumuno sa rebolusyon. Hindi ito isang konspirador na organisasyon sa negatibong kahulugang namumuno sa likod ng walang malay na mamamayan.

Hindi natin maituturing na ang isang unyon ay nasa ilalim ng pampulitikang pamumuno ng Partido kung ang nilalaman ng pamumunong ito ay lingid sa kanilang kaalaman. Hindi natin maituturing na ito’y pampulitikang pamumuno kung hindi ito namamalayan ng pamunuan at kasapian ng unyon, hindi abot ng kanilang kamulatang pampulitika.

Ibig sabihin, ang pampulitikang pamumuno ng Partido, una sa lahat, ay pagmumulat sa masa sa rebolusyonaryong pulitika ng Partido. Ang pamumunong pampulitikang ito ay di dapat mangahulugang hinahalinhan ng sikretong sangay ng Partido ang lehitimong liderato ng unyon sa pamumuno sa masang manggagawa sa pabrika kundi iminumulat ang pamunuan at ang kanilang kasapian sa rebolusyo-naryong pulitika ng Partido at pinauunlad sila bilang mga sosyalistang lider at unyonista kundi man mga Komunistang elemento.

Hindi natin masasabing nasa pampulitikang pamumuno ng Partido. sa pamamagitan ng sangay sa pabrika, ang isang unyon kung ang pamunuan at kasapian nito ay di mulat sa ating rebolusyonaryong pulitika. Kung mulat naman ang pamunuan ng unyon sa pulitika ng Partido, para saan pa ang magtayo tayo ng sikretong lideratong paralel sa lehitimong liderato ng unyon, isang sikretong lideratong siyang tunay na namumuno sa unyon.

Hindi natin sinasabing hindi na kailangang magtayo ng sikretong organisasyon ng Partido. May kardinal na importansya ang mayruong malakas na sikretong organisasyon ang Partido sa pinakamaraming pabrika.

Pero hindi para magsilbing sikretong liderato sa pabrika sa kalagayang mulat sa rebolusyonaryong pulitika ang pamunuan ng unyon. Kung di naman mulat sa rebolusyonaryong pulitika ang pamunuan ng unyon, narito ang pangangailangan sa pampulitikang pamumuno ng Partido.

Ang pampulitikang pamumunong ito ay walang ibang kahulugan kundi ang imulat ang pamunuan sa pulitika ng Partido o imulat ang kasapian para ihalal sa pamunuan ang pinakamahuhusay na Komunista at sosyalistang elemento ng unyon.

Ito ang pampulitikang tungkulin ng Partido sa pabrika-hindi ang konspiratoryal na mamuno sa unyon sa pamamagitan ng sangay o grupo ng Partido-at tanging sa ganitong paraan maisasakatuparan ang pampulitikang pamumuno ng Partido sa pabrika. Kaya nga’t sinasabi ni Lenin na ang unyon ang transmission belt ng Partido sa masang manggagawa at sisirain natin ang unyon kung ang Partido sa pabrika ay magiging konspirador na organisasyon sa likod ng pamunuan ng unyon. Ang pampulitikang pamumuno ng Partido sa unyon ay pagpapaunlad ng rebolusyonaryong kamulatan ng unyon at hindi ang umaktong sikretong pamunuan nito.

Kahit ang pagpapasunod natin sa mga organisasyong masa sa rebolusyonaryong direksyon, taktika at planong binabalangkas ng namumunong mga komite ng Partido ay hindi natin epektibong maisasakatuparan kung konspiratoryal ang ating sistema ng pamumuno sa batayang antas. Upang malawakang gumalaw ang masang kasapian ng mga organisasyong masa, kailangang mahigpit ang kanilang pagkilala sa kanilang pamunuan at mataas ang kanilang kamulatang pampulitika.

Ibig sabihin, kailangang yakapin ng mga lehitimong lider ng masa ang rebolusyonaryong linya ng Partido. Kailangang ikampanya nila ito sa buong organisasyon. Kailangang may kamulatan ang kanilang kasapian upang sumunod sa kanilang panawagan. Sa madaling salita, ang susi sa pampulitikang pamumuno ng Partido ay ang kamulatang pampulitika ng mga organisasyong masa at hindi ang sikretong akuin ng Partido ang pamumuno sa mga organisasyong ito.

Katunayan, ang pinakamahusay, ay sadya’t hayagang kilalanin ng mga organisasyong masa-ng pamunuan at kasapian-ang rebolusyonaryong Partido. Sikreto ang ating organisasyon pero hindi sikretong namumuno sa masa. Ito ang tunay na kaparaanan at katibayan ng pampulitikang pamumuno ng Partido.

Totoong binabalangkas ng mga komite ng Partido ang rebolusyonaryong direksyon, taktika at plano nang lingid sa masa, nang lingid sa mga organisasyong masa, nang lingid hindi lamang sa mga lider masa kundi mismo sa buong organisasyon ng Partido. Pero ito’y simpleng sistema ng sikretong operasyon ng isang iligal na organisasyong rebolusyonaryo.

Gayunman, ang pagpapalaganap at pagsasakatuparan nito ay magagawa lang kung malalim ang impluwensya ng Partido sa masa. Muli, ang lideratong ito ay kumporme sa pangkalahatang antas pampulitika ng masa. Maaabot lang ng Partido ang masa upang itaas ang kanilang kamulatan sa pamamagitan ng kanilang mga lider at organisasyon.

Sa madaling salita, ang buong usapin ng pampulitikang pamumuno ng Partido ay mahigpit na nakasalalay sa tamang pangangalaga sa mga organisasyong masa. Narito ang krusyal at kardinal na importansya ng pagwawasto sa konspiratoryal na istilo ng pamumuno. Ang sistemang ito ay sumisira at hindi nagpapaunlad sa mga organisasyong masa.

Sa antas ng teorya ay kabisadong-kabisado natin ang prinsipyong ito laluna’t aral tayo sa Maoistang linyang masa. Ngunit bakit sa mahaba nating praktika ay nakilala tayo sa reputasyong konspirador na organisasyon na kumukubabaw sa mga ligal na samahan at pakikibakang masa. Bakit sinasalaula natin ang demokratikong mga proseso at sariling dinamismo’t integridad ng mga ligal na organisasyong masa?

Mauugat ito sa arogansya ng banggardismo at sa boluntaristang konsepto ng Maoistang rebolusyon na walang pagpapahalaga sa dinamismo ng kilusang masa at ispontanyong sangkap ng rebolusyonaryong pakikibaka.

(SOURCE: Taken partly from the writings of Popoy Lagman On Reorganization)

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: